>

Monday, 28 January 2013

Video- President Aquino Speech in Switzerland on January 26, 2013

Watch President Aquino Speech in Switzerland on January 26, 2013. President Benigno S. Aquino III and his delegation were welcomed by the members of the Filipino community all over Switzerland on the last day of his official trip in relation to the World Economic Forum held in Davos-Klosters. More than 10,000 Filipinos are working in Switzerland in various profession and almost seventy percent are married to Swiss nationals.

FULL TRANSCRIPT: credit to official gazette

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pakikipagpulong niya sa mga Pilipino sa Suwisa

[Inihayag sa Zurich, Suwisa, noong ika-26 ng 2013]

Maraming salamat po. Maupo ho tayong lahat.

Secretary Albert del Rosario; Ambassador Leslie Baja; Secretary Cesar Purisima, baka hindi po n’yo po alam, Secretary of Finance natin; Secretary Greg Domingo of the Department of Trade and Industry; of course, marami raw hong fans ‘yung susunod na ipapakilala ko sa inyo, si Secretary Butch Abad, [laughter and applause] Marami raw hong taga-Batanes dito. Patay na. Hindi ka na uli mananalo ulit. Butch, nandito na lahat ang botante mo. [Laughter]

Cabinet Secretary Jose Rene Almendras [applause]; atin pong Director General, Secretary Arsenio Belisacan ng NEDA; [applause] si Secretary Carandang, kilala na ho n’yo siguro, hindi ko na ipapakilala; [applause] Ambassador Evan Garcia; Ambassador Esteban Conejos; Mr. Bill Luz; members of the Filipino Community in Switzerland and Liechtenstein—tama ho ba? [Applause]

Honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang hapon po sa inyong lahat.

Pagpunta ko dito, talagang tinuruan akong mabuti kung paano magbalot ng husto dahil malamig raw ho sa Davos, pero sabi ho ni Butch Abad, pareho lang sa Batanes. [Laughter] Basta may bagyo at madaling araw sa bandang Enero at naka-short pants ka lang, ganoon kalamig raw sa Batanes. [Laughter] Pero talaga naman hong napakainit ng pagsalubong n’yo. At alam naman ho n’yo— pangatlong araw ba natin dito? Pang-apat? Pang-apat na araw. Pasensiya na ho kayo. Pinaalis kami ng Pilipinas kasi, alas-onse ng gabi. Kaya counted na raw ‘yong one day. Tapos pagbalik ko, siyempre, bibigyan kami ng mga limang oras, balik sa mga problemang hinaharap natin, pero ang init ng pagsalubong n’yo, sulit na rin hong walang tulog, gininaw, pero marami hong nangyari. Kaya ulit, maraming salamat po sa inyong lahat. [Applause]

Ngayong naimbitahan po tayo dito sa Switzerland, naalala ko po, 1982 pa pala nang huli kong madanas ang winter. Sa bahay pa po namin iyon sa Boston noong naka-exile po ang buong pamilya namin. At kapag taglamig po ay talagang natatabunan ng yelo ang mga kalsada sa lugar po namin.

Sa mga pagkakataon pong iyon, bilang panganay at paboritong anak na lalaki ng aking mga magulang… [laughter] Kita n’yo, sang-ayon ho kayo, di ba? [Laughter] Ako po ang itinuturing na “tigas” sa aming pamilya: tiga-shovel, [laughter] tagapala ng snow, tigasilab ng apoy sa fireplace, tigalinis ng kotse, taga-alaga ng aso, at marami pang iba. [Laughter] Kaya ako ang pinakatigas ho doon. Minsan-minsan ho, tigasaing rin. [Laughter]

Kuwento ko na rin ho sa inyo: Dahil sa totoo naman ho, noong nag-aaral ako, ‘di naman itinuro ‘yong paano mag-saing eh. So sabi ng kapatid kong babae, kumuha ka ng ganito karaming bigas, tatapatan mo ng ganito karaming tubig, ilalagay mo sa rice cooker, i-on mo ‘to, ‘pag naluto, titigil ‘yan. [Laughter] Mayroon naman ho tayong titulo—kaya ko ‘yan. So, nagkataon ho, wala ‘yong nanay ko, wala ‘yong mga kapatid kong babae, kami lang ho ng tatay ko nasa bahay, siya paparating, ako tagaluto ngayon. Noong kinakain na po namin ‘yong aking isinaing na bigas, naging kanin, habang sinusubo ko, sabi ko, “Ba’t kaya ganito lasa nito, parang mapulbo?” [Laughter] Nakalimutan hong sabihin na kailangan palang linisin ‘yung bigas, [laughter] bago ilagay ‘yung tubig. Buti na lang ho, gutom ang tatay ko, ‘di na niya napansin. [Laughter] Pero nabawian naman po niya ako. Niluto niya kasi sa akin ‘yung bistek. Tapos eh, siyempre ho, ‘di ba wala namang kalamansi sa Boston. Pero ang sarap ho—tama ‘yung alat, tama ‘yung asim. Ang galing ng tatay ko talaga pati pagluto. Sabi ko, “Dad, galing mo palang magluto.” Sagot sa akin, “Wala kang bilib eh.” Kinabukasan, hinatid ko sa airport, mag-isa lang po ako. Tapos, mayroon ho akong binili kasing Lea & Perrins na sarsa the day before. Nagtataka ako, bagung-bago ‘yung bote, noong umalis ang tatay ko, wala na hong laman. Kaya pala tama ang timpla nitong bistek, ibinuhos lang niya ‘yung sarsa. [Laughter] Maabilidad ho talaga ‘yong tatay ko.

Alam n’yo ho, matagal na nga ho ako uling hindi nakaranas ng winter. Tapos, kailangan kong malaman ulit ‘yung, ano nga ang kailangang gawin para ‘di masyadong ginawin? So, tulad nga ho ngayon, iniisip ko kung kakaharapin ko kayo, iniisip ko po, kung anong magiging attire ko sa pagharap sa inyo, lalo na ngayong medyo hindi na ho kasing kapal ‘yong buhok natin. [Laughter] Sabi ko, “Magsusuot ako ng sweater. Papatungan natin ng coat; lagyan pa natin ng overcoat; [Laughter] maglalagay na rin ako ng ski mask, gloves, at mayroon pang matching scarf galing kay Kris.” Pero hindi ko na po itinuloy na isuot lahat ito. Baka naman ‘pag nakita n’yo ako, sabihin n’yo, “Sino kaya nagpanggap na Pangulo ng Pilipinas na ‘yan? [Laughter] Hindi namin makita ‘yung mukha.” [Laughter] So tiisin ko na lang ho ‘yong lamig, para sigurado kayong ako ‘yong katapat n’yo at hindi snowman. [Laughter]

Pero alam ho n’yo, kahit ano pang kapal ng ating isuot, wala pa rin pong hihigit sa init ng pagsalubong ng mga kababayan nating Pilipino. [Applause] Kaya naman po, maraming salamat ulit sa pagyakap ninyo sa amin ngayong hapon; talaga pong napaka-warm ng welcome po n’yo, talagang napapawi ang ginaw at pagod ng buo nating delegasyon.

Higit po sa lahat, nagagalak po kaming lahat makabisita rito at malaman na hindi lamang nasa mabuting kalagayan ang ating mga kababayan, kung hindi nagpapakitang-gilas din sa kanya-kanyang larangan. Nurse man o doktor, hotel worker o driver, accountant o manager, anuman pong propesyon, bilib at pinagkakatiwalaan po ang mga Pilipino dito sa Switzerland at sa Liechtenstein. [Applause] Sabi nga ho ni Ambassador Baja, kulang na lang po magsabit tayo ng banner sa convoy na nagsasabing, “Proud to be Pinoy.” [Applause] Sa tuwing may foreign trip po tayo at makakahalubilo ang ating mga kababayan, talagang taas-noo po ang mga Pilipino.

Hindi na nga po palaisipan: pagkalooban mo lang ang Pinoy ng kaalaman, kasanayan, at karanasan; ipuwesto mo lang ang Pinoy sa tamang lugar o kalagayan; bigyan mo lang ang Pinoy ng sapat na panahon, magpapakitang-gilas po tayo talaga. [Applause] Siyempre po, pinapatunayan ninyo ito; at pinapatunayan din ito ng mga Pilipino sa bawat panig ng mundo.

Sa kabilang banda naman, napapaisip din po ako: Bakit sa hinaba-haba ng panahon, hindi madala-dala sa ganitong ideyal na kalagayan ang kabuoan ng Pilipinas? Bakit may mga Pilipino pa ring isang kahig, isang tuka? Tila hindi dumarating ang nilaga, kahit buong-buhay nang nagtitiyaga?

Iyan nga po ang binabago natin sa Pilipinas ngayon. Inaayos natin ang mga kundisyon; ang gusto po natin, kung magbanat ka ng buto, tiyak kang aasenso. Inaalis na natin ang sistema kung saan ang umaangat lang sa buhay ay ang mga may kuneksyon, ang mga kayang manuhol, o ang mga nakakasikmura ng pandaraya. [Applause]

Napatingin ho si Jake ng relo niya, baka maiwan na ho kami ng eroplano. [Laughter] Huwag kang mag-alala, Jake. Papaspasan natin ‘to. Baka malagay pa tayong absent sa Lunes.

Nagtataguyod tayo ng lipunan kung saan kapag pumila ka, uusad ka; kapag nagsumikap ka, mabubuhay ka ng marangal at hindi inaabot ng gutom.

Hindi naman po natin kinailangan ng agimat o orasyon para simulang ilatag ang pagbabagong ito. Ginawa lang po natin ang dapat. Ang pera ng taumbayan, itinutok natin sa mga programang may katuturan; sinunod natin ang mga batas, at pinananagot ang mga lumalabag dito. Ang sabi nga po natin noong kampanya: Tanggalin ang tiwali, at itama ang mali.

Hayaan po ninyo, hayaan po ninyo akong magbigay ng ilang halimbawa. Mayroon pong isang kontratang pinasok ang pinalitan nating administrasyon: sabi po nila, ide-dredge daw po ang Laguna Lake. Maganda nga naman po sana. Tatanggalin ang naipong sediments upang lumaki ang water holding capacity ng lawa. Ang ganda hong pakinggan, ‘di ho ba? Dahil ‘yon ang pinagkukunan natin ng tubig para sa National Capital Region. Ang problema lang po, natuklasan natin ang huhukayin sa isang bahagi ng Laguna Lake, itatambak lang pala sa kabilang bahagi ng Laguna Lake. [Laughter] Baka akala ho n’yo, nagbibiro ako, nandoon ho ‘yun sa kontrata ‘yon. eh. Eh siyempre tanong naman ng ordinaryong Juan dela Cruz, “Paano naman lalaki ang water holding capacity kung ganoon?” Tapos, gagastos pa tayo, uulitin ko ho—tayo, gagastos pa tayo ng ‘di bababa sa 18.7 billion pesos. Baka hindi nakuha ‘yun, billion po ah, 18.7 billion pesos para maglaro ng putik. Putik natin ‘yon, ‘di ba? Sa Pilipinas ‘yun. Lalaruin natin ‘yung putik natin para sa prebilihiyo, at magbabayad ng 18.7 billion. Bakit po kaya may pumayag sa kahibangang ito? Sino kaya ang makikinabang? At palagay ko ho, hindi maglalaon, may maidedemanda na naman tayong panibago. ‘Di po tayo pumayag; pinigil po natin ang kontratang ito. Simple lang naman po ang gusto natin: kung may kontrata, idaan sa tamang bidding.

Patas na ang laban, hindi lang sa mga proyekto ng gobyerno, kundi sa ating mga merkado. Iyan po ang nakita ng buong mundo. Kaya nga po sa kabila ng global economic crisis, naging tuloy-tuloy ang pag-angat ng ating Gross Domestic Product nitong 2012.

Alam naman po ninyo na iyan ang pangunahing sukat ng sigla ng ekonomiya ng isang bansa; 7.1 percent po ang inangat ng ating Gross Domestic Product nitong third quarter ng 2012. Tinalo po natin pati ang sariling mga projection. Sunod-sunod ang record-high sa ating Philippine Stock Exchange index. Sa katunayan, mula June 30, 2010, kung kailan po tayo nag-umpisang manungkulan, umabot na sa pitumpung beses ng nabasag ang record po ng ating stock exchange. [Applause] Nito lang pong January 18, nagsara sa 6,171.70 ang ating stock exchange—isa na naman pong record-high. Alam po n’yo, bago tayo naupo, ‘pag umabot ng 4,000, pipitik lang ho sa 4,000, bababa na ulit. Parang paniwala ho, hindi kayang manatili doon o lampasan doon. Ngayon po, 6,000 na. ‘Yong mga gumawa po nito, sabi sa akin eh—hinamon ko na rin—kako nasa 6,000 na eh. Saan naman tayo tutungo susunod? Baka naman puwede 7,000? Ang sagot sa akin, aniya, siguro mga 6,500. Puwede na ‘yong 6,500. Baka puwede mangyari ‘yan sa birthday ko next month na ‘yun. [Laughter] Sabi ho niya, 7,000 na bago matapos ang taon. So palagay ko, hindi pa naman siya nasisira sa atin, mukhang malaki ang pag-asang mangyari po ‘yan.

‘Pag lalo pa po tayong nagtulungan, hindi na po ako magugulat kung sa susunod, sa talaan na tayo ng Guinness Book of World Records mapapabilang sa husay ng performance ng ating stock exchange.

Naaalala ko nga po dati, sa panahon ng aking ina: naisama po ako sa ilang biyahe po niya, nagpunta po ako doon sa Japan, at halos nagmamakaawa tayong magtayo sila ng negosyo sa Pilipinas. Pero ngayon po, tayo na ang pinipilahan. [Applause] Gusto po nilang makisakay sa momentum ng pag-angat ng ating ekonomiya. At hindi po sa iisang sektor ito: mula sa edukasyon, sa imprastruktura, hanggang sa information technology; iisa ang bukambibig ng mga malalaking kumpanya: Sali naman kami diyan.

Pinupuksa na rin po natin ang katiwalian sa mga institusyong panlipunan. Masusunod ang batas at kung lalabag ka rito, tiyak mananagot ka, gaano ka man kayaman o makapangyarihan. [Applause] ‘Di po ba, napatunayan na ‘yan nang natanggal sa puwesto ang mismong Punong Mahistrado ng ating Korte Suprema? Ang sabi po kasi ng Saligang Batas: Kailangan mong ideklara sa isang sinumpaang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth ang buong kayamanan mo. So, ang pera pong idineklara niya, wala pang dalawang porsyento ng kabuoan niyang ari-arian. Parang sa English po, less than two percent of his cash assets was declared. Eh kailangan lahat. Ikinubli niya sa publiko ang mahigit nobenta’y otso porsiyento ng kanyang pera. Matapos ang impeachment trial, sinubaybayan po ng halos buong Pilipinas, lumitaw po ang katotohanan at walang palusot na umubra sa taumbayan. Ngayon po, gumugulong na rin ang reporma sa atin pong hudikatura.

Isa pa pong halimbawa: ‘Di po ba kaytagal-tagal na di matanaw ang kapayapaan sa Mindanao? Ngayon po, siguro nabalitaan na ninyo ang Framework Agreement na nilagdaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front at ng ating pamahalaan. Sa halip na ulitin lang ang dating “all out war” na estratehiya, “all out justice” ang ating naging tugon. Ang mensahe natin: Ang bandido ay bandido; pero kung talagang may lehitimo kang hinanakit dala ng kasaysayan ng pang-aapi, handang makipagbayanihan ang gobyerno. Imbis na walang humpay na barilan, ipinarating natin sa ating mga kapatid na Muslim: Iisa ang adhikain natin: Kapayapaan. Heto ang sagwan, tara’t itutok natin sa iisang direksyon ang bangka ng bayan, upang sabay-sabay natin maabot ang ating mga pangarap. [Applause] Ipinakita natin sa buong mundo ang bisa ng isang mapayapang diyalogo. Higit pa rito, inilalapit natin ang Mindanao, ang naturingang Land of Promise, sa pangako ng kapayapaan at kasaganahan, na matagal na niyang inaasam.

Sa huli, naniniwala po ako na anuman ang sitwasyon natin ngayon, dinala po tayo dito ng kolektibong panawagan ng Pilipino sa pagbabago. Naharap po tayo sa isang sangandaan kung saan kinailangan nating pumili ng tatahaking landas: Dito ba ako sa nakasanayang ruta ng baluktot na sistema? O ikakabig ko ba sa tuwid na daan, kung saan ang sambayanan ang mabibigyang-kapangyarihan upang sama-samang isulong ang bansa? Kung iisipin, napakadali po sana ng naunang ruta. Pipiliin ko na lang ang normal na buhay kung saan sarili lang ang kailangan kong intindihin.

Opo, madaling sabihin, pero hindi ko po yata ito maaatim na gawin. Kung ito ang landas na pinili kong tahakin, para ko na ring sinabing normal ang masadlak ang Pilipinas sa katiwalian at kahirapan; normal ang talikuran ang ipinaglaban ng aking mga magulang; normal ang pagtaksilan ang mga Pilipinong matagal nang naghihikahos para sa mas maliwanag na kinabukasan. Buong-loob po nating pinili ang tuwid na landas, kaakibat ng lahat ng kailangang pagdadaanang lubak at sakripisyo. Hindi na po bago sa atin ito. Ako po, labindalawang taong gulang pa lang nang makaranas ng Martial Law, at mahigit apatnapung taon na po ng aking buhay ang umikot sa mundo ng serbisyo publiko. Dati po’y dakilang alalay, ngayon inaalalayan ng lahat. [Laughter and applause] Mulat din po tayo, bawat Pilipino ay may kanya-kanyang binuno at binubunong pagsasakripisyo. Ang kailangan lang po nating tandaan: lahat ng pasakit ngayon, ginhawa ang kapalit sa susunod na henerasyon. Ngayong abot-kamay na po natin ang pagbabago, saka pa ba tayo hihinto?

Nasa kamay muli ng Pilipino ang manibela: itutuloy ko ba ang paglalakbay sa tuwid na daan? O pipiliin ko bang mag-U-turn pabalik sa kalsada ng katiwalian at kahirapan? Mahalaga pong ipaalala: ang pagsisikap ng bawat isa ay magsisilbing gasolina sa matiwasay na pagtakbo at tuluyang pag-arangkada ng ating bansa. Kaya nga po: karaniwang tao man o kasama natin sa paglilingkod-bayan, nasa Pilipinas man, o dito sa Zurich, saan man pong sulok ng mundobawat brasong nakikisagwan, bawat balikat na nakikipasan, bawat kakamping sumasagupa sa lumang sistema upang itawid ang ating reporma—kayo po, kayo ang gumagawa ng pagbabago, at hinihiling ko ang patuloy pa ninyong pakikiambag. Pasulong po ang ating martsa sa tuwid na landas; wala pong atrasan ito; huwag tayong pumayag na dumulas pang pabalik sa dating kalakaran.

Hayaan po ninyo akong magtapos sa isang kuwento. Noon pong congressman pa lamang ako, pinalad tayong makaharap ang isang grupo ng walumpung estudyante ng nursing. Ang tanong ko sa kanila, “Ilan sa inyo ang mananatili sa Pilipinas pagkatapos ninyong maka-graduate at pumasa ng board exams?” Ang nagtaas po ng kamay ay napakarami: dalawa. [Laughter]

Wala na nga po sigurong dudang nagbago na talaga ang Pilipinas. Kung dati po, ang tinatanong sa inyo kung mabisita kayo sa atin, “Paano ka nakaalis? Anong mga hakbang ang ginawa ninyo para makatakas?” Ngayon po, ang malamang itanong sa inyo kung kayo’y mauwi, “Kailan kayo uuwi ng permanente?” [Applause] Tunay nga pong kay sarap maging Pilipino sa mga panahong ito.

Bago po ako magtapos, gusto kong iparating sa inyong lahat, lampas po doon sa halaga ng ipinagkaloob n’yo sa ating mga kapatid na nabiktima ng Pablo, eh, talaga naman po’y pagpapadama n’yo sa kanila na hindi sila nag-iisa. ‘Yon po ang talaga ang napakagandang ipapasalubong natin sa buong Pilipinas.

Kaya magandang hapon po sa lahat. Maraming salamat muli.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Copyright (c) 2012 | Designed for Book of Ra Online - Sizzling Hot Deluxe, Novoline Spielen